(Alay sa mga nagsipagdalo sa Pride March at lalo na isang taong nakibahagi dito.)
Nais kong mamatay.
Nais kong mapigtas ang aking hininga.
Ngayon, ika-5 ng Disyembre, naramdaman ko ang lamig ng isang bangkay. Ang hininga'y napigtas matapos ang isang hinagpis sa ganap na ika-3 ng hapon sa harap ng krus kung saan ang Poo'y nais kumawala sa pagkapako.
Sa hininga mo'y magpakailaman na paghimlay sa puntod ng kawalan.
Mundo'y biglang dumilim at ang liwanag ay pumanaw, bagaman iindap-indap, sa isang iglap nilamon ng kawalan.
Ramdam ang bawat turok ng mga tinik na kasinlaki ng karayom, sa bawat ugat kumawala ang dugong nagbibigay-buhay.
Ang hinagpis na animo'y kasing-init ng lava na nagmumula sa bulkang matagal nang hindi pumutok.
Ang paningi'y tinakpan ng talukap at biglang dumaloy ang naipong luhang tigib ng panghinayang.
Hanggang saan, hanggang kailan dadaloy ang luhang sing-alat ng Patay na Dagat?
Nais kong maramdaman ang talas ng karit ni Kamatayan.
---
Ang pag-ibig nga talaga'y nakamamatay dahil ang sarili'y iiwanan para sa minamahal. Ngunit kung ang minamahal ay siya ang papatay sa binuhay na bulaklak ng pag-ibig, ang mundo'y wari'y maglalaho.
Ang pag-ibig nga ba'y wagas?
Wagas.
May wakas?
---
Sa pagdalaw ni Kamataya'y isang dangkal ang pagitan ng matalim na karit at ng masiglang ugat sa aking leeg.
---
Ngunit ang pag-ibig ay wagas...
Hindi mawawakasan ng karit ang tibay ng tunay na pag-ibig.
Maghihintay ang pusong naghihinagpis.
Maghihintay...
---
Sa tapat ng Poong nakapako ngunit iniaabot ang kanang kamay, nakita ko ang maliit na bata... itinuro ng Poon: ang banal na bata.
May pag-asa pa.
Ako'y maghihintay, kahit ito'y gawagas.
---
(At natakot si Kamatayan dahil sa kanyang katandaan siya'y nanangis ngunit ang bata'y hinaplos ang luha sa kanyang kunot na pisngi.)
---
PAMZ, 7043.
---
Monday, December 5, 2011
Subscribe to:
Posts (Atom)