Nais kong ibahagi ang aking talumpati sa pagbubukas ng Active Vista Film Festival sa Palawan State University noong nakaraang buwan:
Isang maalab at mapagpalayang umaga sa lahat kung saan ang haring ALDAW ay paulit-ulit na sumisikat. Masarap paglaruan ang mga katagang Active at Vista. 'Active' na nananawagan ng pagkilos at 'vista' na kung saan ay mayroong kang nakikita maaari ring nararamdaman, naririnig at naaamoy. Isang aktibista, isang nilalang na may pakialam, hindi pabaya sa lipunan at kalikasan, para sa pagbabago, isang gawaing DAKILA, isang kadakilaan na nagsisimula sa sarili. Ang ang pagiging aktibista ay hindi pagiging kritiko sa pamahalaan, bagkus, ito'y isang karapatan at likas sa pagiging tao. Noong ako'y nag-aral tungkol sa climate change sa Australia sa ilalim ng Nobel Peace Laureate na si Al Gore, noong tinanong siya kung ano ang gagawin sa kapabayaan at pagkabingi ng isang namamahala: sagot niya: gayahin ang people power ng Pilipinas! Kapangyarihang nagmumula sa isa't isa, sa bawat puso, isip at kaluluwa ng iisa na naibahagi sa lahat. Isang pagtingin: punto de vista, kung saan ang pagtingin ay tarok at tusok sa kaloobloban ng kaluluwa at kalooban kung saan mauuunawaan ang pagtanaw sa katotohanang tayong lahat ay magkaugnay-ugnay, hindi lang sa pagiging tao kundi sa pagiging bahagi ng buong kalikasan. Ang pagtingin ng Alyansa Tigil Mina: bawal ang ang pagmimina sa gubat at sa mga lugar na nayuyurakan ang karapatang-pantao lalo na ng mga katutubo. Hindi ako maka-kalikasan, dahil kung ganoon, ang kalikasan ay nandoon at ako'y nandito, inihihiwalay ko ang aking sarili sa kanya. Bagkus ako ay bahagi ng kalikasan, tayo, sila: kalikasan. Hindi natin mapapangalagaan ang kalikasan at ang ating sarili hangga't hindi natin kayang tanggapin na tayo ay bahagi nito. Sabi ni Pangulong Aquino, kung walang corrupt, walang mahirap. Ngunit ang sabi ng mga puno, mabuting pinuno. At maaari nating sabihin: Kung may gubat, walang mahirap. Makibahagi at makialam. Magandang umaga!