Monday, September 13, 2010

Active Vista in Palawan

Nais kong ibahagi ang aking talumpati sa pagbubukas ng Active Vista Film Festival sa Palawan State University noong nakaraang buwan:

Isang maalab at mapagpalayang umaga sa lahat kung saan ang haring ALDAW ay paulit-ulit na sumisikat. Masarap paglaruan ang mga katagang Active at Vista. 'Active' na nananawagan ng pagkilos at 'vista' na kung saan ay mayroong kang nakikita maaari ring nararamdaman, naririnig at naaamoy. Isang aktibista, isang nilalang na may pakialam, hindi pabaya sa lipunan at kalikasan, para sa pagbabago, isang gawaing DAKILA, isang kadakilaan na nagsisimula sa sarili. Ang ang pagiging aktibista ay hindi pagiging kritiko sa pamahalaan, bagkus, ito'y isang karapatan at likas sa pagiging tao. Noong ako'y nag-aral tungkol sa climate change sa Australia sa ilalim ng Nobel Peace Laureate na si Al Gore, noong tinanong siya kung ano ang gagawin sa kapabayaan at pagkabingi ng isang namamahala: sagot niya: gayahin ang people power ng Pilipinas! Kapangyarihang nagmumula sa isa't isa, sa bawat puso, isip at kaluluwa ng iisa na naibahagi sa lahat. Isang pagtingin: punto de vista, kung saan ang pagtingin ay tarok at tusok sa kaloobloban ng kaluluwa at kalooban kung saan mauuunawaan ang pagtanaw sa katotohanang tayong lahat ay magkaugnay-ugnay, hindi lang sa pagiging tao kundi sa pagiging bahagi ng buong kalikasan. Ang pagtingin ng Alyansa Tigil Mina: bawal ang ang pagmimina sa gubat at sa mga lugar na nayuyurakan ang karapatang-pantao lalo na ng mga katutubo. Hindi ako maka-kalikasan, dahil kung ganoon, ang kalikasan ay nandoon at ako'y nandito, inihihiwalay ko ang aking sarili sa kanya. Bagkus ako ay bahagi ng kalikasan, tayo, sila: kalikasan. Hindi natin mapapangalagaan ang kalikasan at ang ating sarili hangga't hindi natin kayang tanggapin na tayo ay bahagi nito. Sabi ni Pangulong Aquino, kung walang corrupt, walang mahirap. Ngunit ang sabi ng mga puno, mabuting pinuno. At maaari nating sabihin: Kung may gubat, walang mahirap. Makibahagi at makialam. Magandang umaga!

Sunday, September 12, 2010

Ang Pagbabalik

Mahigit isang taon na yatang hindi na-update ang blog na ito. Maaaring dahil na rin sa kasikatan ng Facebook at hindi na ako nakapagsusulat ng pormal. Kahit hindi pormal, mas magandang simulan uli ang pagsusulat. Mukhang hindi na matalas ang aking kaisipan at nangagailangang magkaroon ng kaunting pagsasanay.

Maraming mga lugar na naman akong narating, maraming klase ng tao at iba't ibang mga pananaw.

Bago, maraming bago: presidente, mga opisyal ng bayan. Marami ring nagbabagu-bagohan.

May good news. May bad news.

Ngunit simula siguro ngayon: NGAYON, bubuhayin kong muli ang blog na ito: araw-araw. At sana sa paraang ito, maipalalabas ko sa aking kaisipan ang mga agam-agam at hinuha sa mga bagay-bagay sa paligid.

Sana huwag ako dalawin ng katamaran. At sana naman unti-unting lumiwanag ang karimlan kung saan nais kong tahakin ang isang napakasalimuot na daan.

Bukas, ang panibagong simula.