Sunday, May 10, 2009

Talumpati para sa Cantilan Earth Day

Isang maka-kalikasang pagbati mula sa Alyansa Tigil Mina (ATM) na binubuo ng mahigit limampung mga organisasyon ng mga siyentipiko, relihiyoso, abogado, magsasaka, mangingisda, environmentalists at marami pang iba. Ang ATM ay pinangungunahan ng environmental/conservation group na Haribon Foundation, mga legal at human rights experts ng Legal Rights and Natural Resources Center-Kasama sa Kalikasan/Friends of the Earth Philippines (LRC-KsK/FoE Phils) at ng isang malaking organisasyon para sa social development na Philippine Partnership for the Development of Human Resources in Rural Areas (PhilDHRRA).

Narito tayo ngayon upang magkaisa upang igiit ang ating likas na karapatan sa ating likas na yaman lalung-lalo na sa TUBIG na bukal ng BUHAY. Ang TUBIG na nanganganib na matuyo dahil sa walang pakundangang pag-abuso sa pinagkukunan nito sa ating mga kabundukan. Ang TUBIG na siyang nagbibigay BUHAY sa lahat ng may BUHAY. Ang TUBIG na isa sa likas na nagbabalanse sa mga proseso ng kalikasan.

PANALIPDAN TUBIG KINABUHI

Panalipdan: Pangalagaan, Ipaglaban!

Sa araw na ito, apat na raan at walumpu’t walong taon na ang nakaraan, ika-27 ng Abril 1521, inaalaala natin ang katapangan at kagitingan ni Lapu-lapu sa pulo ng Mactan. Napagtagumpayan niyang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Napagtagumpayang lupigin ang mga Kastila dala na rin sa kasakiman ng kapwa niya Pilipino na sina Rajah Humabon at Datu Zula.

Isang aral sa ngayon. Ang kasaysayan ay muling inuulit. Hindi na tayo natuto. Ang kasakiman nina Rajah Humabon at Datu Zula ay muling nabubuhay at ang ating mahal na mga lupain ay pilit na ibinibigay sa mga banyaga. Ngunit, ngayon, unti-unti ang ginagawang pang-aabuso, pagsasamantala, tahimik. Unti-unting pinapatay ang sambayanan. Bukas makalawa, wala nang bundok na aakyatin, wala nang mga punong pagkukunan ng pagkain at wala nang tubig na maiinom. Ipinagpatuloy ng mga magigiting na Gabriela Silang, Andres Bonifacio, Jose Rizal. At sa ngayo’y pilit na ginigising muli ni Lapu-lapu ang ating mga puso’t isipan at paalabin itong muli.

Huwag nang paloloko sa mga pinunong walang magawa kundi ang sakupin pati ating kinabukasan at kaluluwa. Sa buong Pilipinas sa aking paglalakbay, may aral akong natutunan. Sa usapin ng pagmimina, kung wala pang approval, sasabihin ng mga pinunong umiikli ang buntot sa takot na aprubado na ito sa taas, may basbas na, kaya pumirma na kayo. Oo naman at pipirma ang mga mamamayan. At ang kanilang pinirmahan ay ang siyang ibibigay sa taas upang maaprubahan ang proyekto. Kay gandang hokus pokus! Kay samang gawain!

May Balaod. Ngunit pinaglalaruan ito kaalinsabay ng pagsayaw sa saliw ng korupsyon at kultura ng takot. Ang paboritong sayaw ni Kamatayan. Dahil paglalarong ito, ang mga may karapatan ng dapat na pinapangalagaan ng Saligang Batas ay inaapak-apakan, niyuyurak, binabalatan nang buhay sa saliw ng nakakabinging tugtog ng pagka-makasarili at halakhak ng panunuhol, kasinungalingan, panloloko.

Dahil ang mga mamamayan ay TANGA, walang ALAM! Kaya nararapat na alipustahin! Dahil ang tingin nila tayo ay BAYARAN!

Ito ang kalagayan ng pagmimina sa Pilipinas. Ito daw ang sagot sa kahirapan. Ito daw ang Mesiyas upang tayo’y makatayo at umunlad.

Tubig: The driving force of all nature, sabi ni Leonardo da Vinci—ang nagpapagalaw sa lahat.

Wala nang tanong-tanong pa.

Ang kumpanya ng mina ay magkakaroon ng karapatan sa lahat ng pinagkukunan ng tubig kung maaaprubahan man ang kanilang aplikasyon. Lahat ng mga bukal, sapa, ilog pati kanal ay mapapasakanila.

Responsableng pagmimina? Hindi ako naniniwala! Sa ngayon, imposible! Hangga’t ang tubig na dumadaloy sa Mogpog River sa Marinduque ay maaari nang mainom, at mabubuhayan ng isda, at kung mapapalinaw muli nang walang bahid dumi ang Anahawan River sa Barangay Babuyan sa Carrascal at malilinis ang mapupulang tubig sa mga kabakawan sa bayang naturan... at mabuhay na mag-uli ang mga isdang nangamatay sa karagatan ng Rapu-rapu...

Ngayon, nanganganib ang Carac-an River na isang major river basin sa Cantilan. Pati ang tubig-kanlungan o watershed ay pilit na akuin. Isang hamon sa lahat ng naririto.

Ito ang kalagayan ng pagmimina sa Pilipinas. Ang natitirang pinagkukunan ng pamatid-uhaw, pinagkukunan ng pandilig sa mga pananim, pinagkukunan ng kabuhayan, ng BUHAY.

May sinasabi na ang United Nations sa pamamagitan ng Millennium Development Goals at ng Philippine Agenda 21 na nararapat na sundin ng ating mga opisyal at gobyerno:

“Tiyakin ang kapanatilihang pangkapaligiran.”

Pagsamahin ang mga prinsipyo ng sustainable development sa mga patakaran ng bansa at mga programa; baligtarin ang pagkawala ng mga yamang pangkapaligiran.

Bawasan ang pagkawala ng biodiversity; isinasagawa na, sa 2010, ang makabuluhang pagbabawas sa antas ng pagkawala

Ipangalahati, sa 2015, ang proporsyon ng taong wala kapana-panatiling paraan ng pagpasok ng ligtas na tubig-inumin at batayang sanitasyon .

Ngayon nagbibingibingihan pa rin ba tayo? Nagbubulagbulagan pa rin ba ang mga may kapangyarihan? Ang mga nasa posisyon? Mabuti na lamang at may mga iilang magigiting na mga pinuno ang tumatayo upang ipaglaban ang mga karapatan ng mga mamamayan.

Ito ang kalagayan ng pagmimina sa Pilipinas. Ang usapin ng pagmimina ay nililimitahan na lamang sa pag-unlad at ekonomiya.

Ang kapakanan ng KINAIYAHAN ay isinasawalang-bahala o minsan nalalagay sa alanganin at laging nawawala sa isang ihip ng hangin ng kasakiman.

Ang YUTANG KABILIN ng mga lumad ay inaangkin.

Ang TUBIG na nagbibigay KINABUHI ay hinihigop ng mga dambuhalang halimaw.

Ang usapin ng pagmimina ay hindi lamang ekonomiya. Ito ay usapin ng BUHAY.

Ang tinuod nga paglambo mao ang pagkinabuhi nga sakto. Ang tinuod nga paglambo mao ang pagkinabuhi nga haom o nahiuyon sa proseso sa kinaiyahan.

Ang tinuod nga paglambo mao ang paglambo nga walay gakatumbang katungod sa mga gakabuhi sa karon ug ugma.

Naa pay paglaum.

Naa pay Diyos.

Ani-a pa ta.

PANALIPDAN ANG KINAIYAHAN.

PANALIPDAN TUBIG KINABUHI.

PANALIPDAN ANG KINABUHI!

No comments: