Wednesday, October 22, 2008

Kaunlaran at Kalikasan

Nueva Vizcaya (NV), isang lalawigang malapit na sa aking kalooban. Ilang beses na akong pabalik-balik sa lugar na ito. Sa aking mga maiikling pananatili dito, minsan na rin akong nakulong sa nag-uumpugang pananaw tungkol sa kaunlaran at kalikasan.

Isang industriya ng sinasabing kaunlaran ay ang malakihang pagmimina na lubos na iniiwanan ang isang pamayanan sa NV sa gitna ng hindi-pagkakaunawaan at malaking abalang pilit na dinadala ang lahat sa labas ng likas nilang pamumuhay. Ang gawaing pilit na inihihiwalay sa kalikasan na dati-rati'y iisa.

Ginto.

Kumikinang.

Ang katumbas daw ng kaunlaran ay ang gintong kumikinang na makukuha sa mga lupain.

Ginto na pilit na ipinapalit sa mga palayang mas mahal pa at kailangan.

Ginto kapalit ng mga pilit na pagpapaalis sa mga lupain.

Ginto na yumuyurak sa karapatan ng mga nakikiisa sa mga pamamaraang likas.

Ginto na Mesiyas ng ekonomiya ng naghihikahos sa bansa (dulot ng mga sawang nanglululon nang buo).

Ginto na dini-diyos ng mga nasa poder.

Ginto kapalit ng matagal nang kultura at tradisyon ng minsan pang mapayapang lugar.

Ginto, kumikinang.

Sino ang nakikinabang?

Kalikasan, kamatayan.

Naalala ko tuloy sa isang pagpupulong, isang editor ng pampaaralang diyaryo ang nagtanong:

"Kaunlaran ba o Kalikasan? Minahan ba o Kabuhayan?

Sunday, October 19, 2008

Tita Esther, Salamat...

Isang karangalan ang maibahagi ang aking pananaw sa isang respetadong editor at manunulat. Isang karangalan din ang makatanggap ng katanggap-tanggap na reaksyon mula sa kanya.

Tita Esther (Pacheco), ipagpaumanhin po ninyo ang aking pag-post ng inyong e-mail.

...Totoo nga naman: Walang "divide" dapat sa pagitan ng Kalikasan at ako, sapagkat ang kalikasan ay nasa kabooan ko at ang ako ay nakabaon sa kalikasan. Kung hindi ganyan ang konsepto ay walang saysay ang ating pinaguusapang environmentalism.

Sa Inggles: I am not a self looking at an object outside of me (which, in the phenomenological personalist's view is what we consider a problem--something different, something outside of me that I look upon as an object) but rather that my relationship with nature is a mystery, of which I am part and from which I cannot extricate myself.

Salamat uli sa iyong pagbabahagi,
Tita Esther P

Panimula

Binubuhay kong muli ang matagal nang namamahingang pahinang ito. Nagkaroon akong muli ng lakas at paniniwala sa aking sariling maibabangon ang aking nahihimlay na loob upang mailabas ang tunay na pananaw tungkol sa kalikasan.

Salamat sa Kamayan Forum noong ika-17 ng Oktubre kasama sina Kuya Ding Reyes.

Salamat din sa pagkakataong naibigay sa akin ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) noong ika-22 ng Agosto sa Truth Festival kung saan aking isiniwalat ang tunay na kalagayan ng ating kalikasan sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, hinahanap ko ang manuskript na direkta kong binasa noon. Alam ko sinulat ko iyon sa placemat ng Max's sa Roxas Blvd.

Hayaan na lamang ninyo akong ibahagi ang repleksyon na ginawa ko noong Biyernes sa Kamayan Forum kung saan dumalo ang mahigit apatnapung tao:

-------------------------------------

Ang edukasyon nauukol sa pangangalaga ng kalikasan o tungkol sa kalikasan ay nararapat na magmula sa lebel ng tahanan kung saan hinuhubog ang kaisipan ng mga anak. Ngunit papaano? Naalala ko noong ako'y naatasan na na isiwalat ang tunay na kalagayan ng kalikasan ng Pilipinas noong Truth Festival sa Rajah Sulayman noong Agosto, ang pambungad kong introduksyon ay: "Hindi ako environmentalist. Dahil kung ako ay maka-kalikasan, may pagitan ang ako at ang kalikasan, ako ay narito at ang kalikasa'y nandiyan o nandoon. Oo nga't nababahala ako sa kalikasan na nandoon, ngunit dahil sa laki at layo niya ay hindi ko siya naaabot. Ngunit, kung ako ay hindi maka-kalikasan, ano ako? Ako ay KALIKASAN. Ako ay bahagi ng kalikasan, ng sistema ng kalikasan. Kung kaya ipinaglalaban ko ang aking sarili at ang lahat na bahagi nito." Medyo mahirap isipin ang 'ako' sa kalikasan, ngunit kung gawing 'personal' ang pakikibahagi sa pangangalaga nito, ika nga'y may 'personal touch', mas epektibo at mapapansin ito ng ibang bahagi ng kalikasan (ng tao). Ang panimula ng edukasyon pangkalikasan ay nagsisimula sa sarili, upang kung ito'y naisabuhay na, susundin ka ng iba. Tayo ay hindi maka-kalikasan, kundi tayo ay KALIKASAN!