Sunday, October 19, 2008

Panimula

Binubuhay kong muli ang matagal nang namamahingang pahinang ito. Nagkaroon akong muli ng lakas at paniniwala sa aking sariling maibabangon ang aking nahihimlay na loob upang mailabas ang tunay na pananaw tungkol sa kalikasan.

Salamat sa Kamayan Forum noong ika-17 ng Oktubre kasama sina Kuya Ding Reyes.

Salamat din sa pagkakataong naibigay sa akin ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) noong ika-22 ng Agosto sa Truth Festival kung saan aking isiniwalat ang tunay na kalagayan ng ating kalikasan sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, hinahanap ko ang manuskript na direkta kong binasa noon. Alam ko sinulat ko iyon sa placemat ng Max's sa Roxas Blvd.

Hayaan na lamang ninyo akong ibahagi ang repleksyon na ginawa ko noong Biyernes sa Kamayan Forum kung saan dumalo ang mahigit apatnapung tao:

-------------------------------------

Ang edukasyon nauukol sa pangangalaga ng kalikasan o tungkol sa kalikasan ay nararapat na magmula sa lebel ng tahanan kung saan hinuhubog ang kaisipan ng mga anak. Ngunit papaano? Naalala ko noong ako'y naatasan na na isiwalat ang tunay na kalagayan ng kalikasan ng Pilipinas noong Truth Festival sa Rajah Sulayman noong Agosto, ang pambungad kong introduksyon ay: "Hindi ako environmentalist. Dahil kung ako ay maka-kalikasan, may pagitan ang ako at ang kalikasan, ako ay narito at ang kalikasa'y nandiyan o nandoon. Oo nga't nababahala ako sa kalikasan na nandoon, ngunit dahil sa laki at layo niya ay hindi ko siya naaabot. Ngunit, kung ako ay hindi maka-kalikasan, ano ako? Ako ay KALIKASAN. Ako ay bahagi ng kalikasan, ng sistema ng kalikasan. Kung kaya ipinaglalaban ko ang aking sarili at ang lahat na bahagi nito." Medyo mahirap isipin ang 'ako' sa kalikasan, ngunit kung gawing 'personal' ang pakikibahagi sa pangangalaga nito, ika nga'y may 'personal touch', mas epektibo at mapapansin ito ng ibang bahagi ng kalikasan (ng tao). Ang panimula ng edukasyon pangkalikasan ay nagsisimula sa sarili, upang kung ito'y naisabuhay na, susundin ka ng iba. Tayo ay hindi maka-kalikasan, kundi tayo ay KALIKASAN!

No comments: